Home » Archives » April 2009
bAgSaK
April 21, 2009OO nga’t sa marka’y salat..
ngunit di kailanman sasapat
ang mga numerong panukat
sa mga natutunang bumakat..
Oo na’t apat ang nakuha
sa dalawampung bilang na parusa
lahat naman ay ginawa, binasa
MINALAS lang talaga …
Si Unang Seatmate,,
April 13, 2009Ayun, lumipas ang dalawang oras na nagtabi kami sa distansiyang di aabutin ang isang langaw na dumapo sa kabilang banda sa loob ng isang kisap mata.
Ni ha, ni ho wala. Tanging ang mga espasyong naaabot ng aking peripheral vision ang nagsasabing makailang ulit niya ring ninakawan ng tingin ang notebuk ko na pinampapaypay.
Nakalimutan ko man ang pangalan niya (ah, alphabetical ang mga upuan, Ma o La siguro umpisa last name) , magkikita pa rin naman kami bukas.
Para sa katabi ko sa NCM 100, sana di kahit di tayo naguusap, mahabag ka sa katabi mo tuwing may pagsusulit…
Ang Butas na Bulsa sa Unang Araw ng Linggo
April 12, 2009Hindi ako nagbibiro, butas talaga ang bulsa ko. Tattered kasi, isang disenyo na pilit ipinagbabawal sa loob ng makakristyanong paaralan tulad ng Lorma na sa kasamaang palad ay syang napasukan ng inyong aba.
Ngayon ay ang araw ng pagkabuhay ngunit walang oras para magsaya at manatili sa bahay. Punuan ang mga bus mamayang gabi at minainam ko na lumarga sa umaga.
Ito ang araw bago ang madugong umpisa ng Summer Classes, bagong simula, bagong yugto, bagong mga gamit (bp ap, oral thermometer, rectal thermometer, pen light, apat na kulay ng bolpen, tape measure, bandage scissor, gloves, notebook, libro sa pharma, microbio, drug handbook, student handbook, at kung ano ano pa) at higit sa lahat, mga bayaring hindi ipinipilit ngunit ikikintal ang kahihinatnan mo kapag hindi ka nag-avail.
Bukas pa ang klase pero wala na yata akong pera, teka,…naalala ko, kukunin ko pa pala ang rusty lopez na sapatos na bilin saming dapat bilhin para sa duty, 530 daw un(taas kilay), white uniform ko rin pala, 650 din un, at argggh, V-neck na panloob pa….
Duduguin na ako, baka wala na akong pangkain. Buti na lang may isang garapong adobo na ipinabaon ni nang. Sana magtagal siya….
Bentilador
April 7, 2009
Hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan. Aaminin kong hindi nga tayo naging matalik na mag-kaibigan pero masasabi kong sa haba ng pinagsaluhan nating oras na nasa loob ng isang kwarto, hindi mabibilang ang mga pagkakataong nais kitang kausapin.
Sa buong magdamag, isang hakbang lang ang layo ng kinahihigahan mo sa akin ngunit sa di malamang kadahilanan, may pwersang namagitan sa ating dalawang pumipigil sa bawat pagtatangkang mag-usal ang mga labi ng salita.
Kung alam mo lang kung gaano ko kagustong malaman kung ano ang nasa isip mo. Kung ano ang ginawa mo sa maghapon, saan ka galing, o kung kumain ka na ba. Lagi akong nauubusan ng mga salitang kapag binigkas ko’y sasagot ka. Ni hindi nga siguro aabot sa limang minuto ang mga oras na naririnig natin ang isat isa kung susumain sa loob ng limang buwang pagsasama.
Sa kabilang banda, nangungusap pa rin ang bawat kilos ng hindi sinasadya, kung hindi man hindi lang gustong ipahalatang sinadya. Maalinsangan ang buong silid tuwing gabi at batid kong ang tulad mo lang na may kaya ang makakabili ng bentilador. Pero sa halip na itutok sa sarili, mas pinili mo itong paikutin at patamaan ako bahagya.
Hindi ko lubos maisip kung sa limang buwan nating pagsasama ay puyatin ako ng init. Hindi ko naman maatim na humingi kay nanay ng pambili ng sarili kong bentilador. Iniisip ko pa lang tumatayo na ang balahibo ko sa pwedeng isagot niya. Mabuti na lang at mabait ka. Pinasasalamatan kita dahil dun.
Laging nagungusap ang iyong mga mata. Kahit pa natatakpan ng make-up ang iyong pisngi at puno ng eye shadow ang ilalim nito, hindi ko makakalimutan ang malambing mong titig. Ewan ko ba kung bakit hindi ko nagawang magalit sayo ni minsan habang nanigarilyo ka sa may bintana. Pwede kitang isumbong kay manang kasera kung tutuusin ngunit pinipigilan ako ng kawalang kasiguraduhan kung titigil ka kaya o di kaya’y lalala.
Hindi ko rin kailanman inusisa ang pagpasok mo sa kwarto sa kalaliman ng gabi. Alam ko kasing marami kang kaibigan. Buhay na buhay ang night life kung baga. Pero inisip ko rin paano kaya kung kasama rin ako sa mga paglabas mo para naman makilala sana kita kahit paano.
Hindi naman masama kung sakali diba? Sino ba naman ako sa unang punto. Kalabisan na siguro ang hinihiling ko. Dapat matuto akong lumugar kung saan may espasyo at di ipagsiksikan ang sarili sa isang saradong sisidlan. Nakakahiya man pero aaminin kong hinintay kitang dumalaw sa isa sa mga panaginip ko. Gabi-gabi yun upang kahit paano ay magkasama tayo kahit sa isang lugar na kailanma’y di magkakatotoo.
Pilit kitang inintindi sa mga gabing umuwi ka ng lasing. Hindi mo naman ako close sabi ko nga upang sitahin ka o makaipon ng lakas ng loob upang ipahiram sayo sa oras na kinailangan mo ng mapaghuhugutan, sa mga sandaling mas pinili mo ang alak kesa bagtasin ang isang hakbang na pagitan nating dalawa.
Pero nag-iba ka sa mga huling gabi ng buwan. Kumakatok ka pala sa pinto sa oras ng mahimbing na pagkakatulog ng lahat ng kasambahay natin. Sukdulan na ang galit mo ng magising ako’t pagbuksan ka ng pinto. Nagdadala ka naman kasi ng susi datirati kaya nasara namin ang pinto ng di ka pa dumarating.
Agad mong hinanap noon ang bentilador mo. Sa taranta ko, naibigay ko ang bentilador ng lalaki sa taas ko. Nagalit ka siguro ng malaman mong ang iyo pala ay gamit gamit ng lalaki sa taas mo.
Iniyakan kita ng gabing iyon alam mo ba?
Natakot na akong matulog sa higaan ko. Natakot akong umiksi ang isang hakbang nating pagitan at baka bagtasin mo habang ako’y natutulog. Ayokong isipin ang maari mong gawin habang ika’y lasing. Lasinggero nga ang tatay ko pero ni minsan di siya nagwala sa harap ninuman.
Ngayon nakalipat na ako ng tinutuluyan. Masaya an ako at wala akong taong dapat pakisamahan. Sapat na siguro ang abot tanaw nating pagitan sa bagong daang binabagtas ko pauwi upang magkaintindihan ang ating mga nakaw tingin na siguro, kapag nadagdagan ang limang minutong paguusap, naging magkaibigan sana tayo kahit paano alang alang sa bentilador na ating pinagsaluhan.

